Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde ang publiko na magpapatuloy ang gun ban hanggang sa pagtatapos ng election period sa June 12, 2019.
Ito’y kasunod ng pagtatapos ng botohan kahapon, May 13.
Ayon sa PNP chief, umaabot na sa 5,500 ang mga naaresto sa paglabag sa gun ban; habang 4,618 na baril at 44,226 deadly weapons ang nakumpiska.
Pinakahuling nadakip kahapon bandang alas- 5:45 ng hapon ang anim na lalaki sa Pagkakaisa Elementary School sa Barangay San Antonio, Biñan, Laguna, kung saan nakuha sa kanila ang apat na kalibre 45, isang 38 at isang 9mm pistol.
Sinabi ni Albayalde na sa kabila ng pagtatapos ng botohan, istrikto pa ring ipatitupad ng PNP ang umiiral na gun ban at pagbabawal sa hindi otorisadong pagkuha ng mga bodyguards at security personnel.
Mananatili ring suspendido ang lahat ng permit to carry firearms outside of residence ng mga lisensyadong gun holders hanggang sa alisin ng Commission on Elections ang gun ban.