Inanunsiyo ngayong araw ng Philippine National Police na ipapatupad ang gun ban sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kaugnay nito, suspendido ang lahat ng permits to carry firearms outside of residence (PTCFOR) sa Hulyo 22 bilang parte ng security measures para sa SONA ni PBBM upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa kasagsagan ng event.
Magiging epektibo ang gun ban mula 12:01 am hanggang 11:59 pm ng Hulyo 22.
Una ng sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na tututukan ng kapulisan ang pagbabantay sa bisinidad ng Batasang Pambansa Complex dahil ang House office of the Sergeant at Arms at Presidential Security Group ang may saklaw sa seguridad sa loob ng Kongreso.
Inaasahan na nasa 22,000 kapulisan ang ipapakalat sa mismong araw ng SONA kung saan 6,000 dito ay itatalaga malapit sa Batasang Pambansa Complex kung saan gaganapin ang ulat sa bayan ni PBBM.