-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patuloy pang pinaghahanap ang lider ng Esteve gun-for-hire group ng Surigao City na siyang itinuturong responsable umano sa pagbaril-patay kay Dinagat Islands provincial board member Wenefredo Olofernes.

Ito’y matapos mapatay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Caraga nitong Biyernes ng umaga ang miyembro ng naturang grupo nang magtangka raw itong manlaban sa pagsisilbi sana nila ng search warrant kasama ang mga tauhan ng Maritime Police pati 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company.

Nakilala ang napatay na si Richard Solomon, 48-anyos, dating taga-San Francisco, Surigao del Norte at nakatira na sa Purok 2, Sitio Toril, Brgy. Luna, Surigao City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni CIDG-Caraga regional chief Choli Jun Caduyac, bitbit nila ang dalawang search warrants na inisyu ni Regional Trial Court Judge Catalina Shineta Tare-Palacio dahil sa sumbong na mayroon silang mga armas pati ang lider ng grupo na si Julie Esteve.

Kanilang narekober ang gamit nitong .38-caliber na revolver na may mga bala at detonating cord, habang narekober din sa bahay ni Esteve ang isang 9mm caliber pistol, isang KG9, isang kalibre .45 na pistola, iba’t ibang mga bala at hand grenade.