-- Advertisements --

KORONADAL CITY — Nauwi sa tensiyon at palitan ng putok ang dapat sana’y pagsisilbi lamang ng warrant of arrest ng mga otoridad laban sa isang high-value target suspect sa Sitio Itil, Barangay Satan, Shariff Aguak, Maguindanao na ikinasawi ng suspek at ikinasugat naman ng isang sibilyan.

Kinilala ng PNP-Special Action Force ang suspek na si Surin K. Mentang, umano’y gun-runner na may kasong multiple murder dahil sa pagkakasangkot sa Maguindanao massacre noong taong 2009.

Ayon sa ulat, papasok na sana sa lugar ang tropa ng Regional Intelligence Unit ng Bangsamoro Police at PNP-SAF upang isilbi ang arrest warrant ngunit sinalubong ang mga ito ng putok mula sa hindi bababang 30 mga miyembro ng 105th Base Command ng MILF dahilan para rumesponde ang tropa ng 40IB ng Philippine Army at nagkaroon ng engkwentro.

Sa naturang engkwentro ay napatay ang suspek na si Mentang ngunit wala namang casualties sa panig ng pamahalaan habang hindi pa tukoy sa panig ng MILF.

Isang sibilyan din ang nadamay matapos tamaan ng bala ngunit nasa ligtas na itong kalagayan ngayon matapos lapatan ng lunas.

Samantala,umaasa naman ang MILF na hindi makakaapekto sa ceasefire at peace agreement ang engkwentro sa pagitan ng Army at MILF.