Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon hinggil sa report na may gun store na umano’y konektado sa mga lokal na terorista sa Marawi City partikular sa Maute Group.
Ayon kay chief Pol. S/Supt. Valeriano De Leon, may intelligence report na nakarating sa kanila na isang gun store sa Marawi ang may koneksyon kay Abu Sayyaf Group leader Isnilon Hapilon.
Pagbibigay-diin ni De Leon, masyadong “raw” ang impormasyon kaya may ginagawa silang hakbang para ma-validate ito.
Tinatrabaho na aniya ng PNP lalo na ang pagtukoy sa may-ari at gaano kalawak ang koneksiyon nito sa local terrorist.
Mariin namang itinanggi ni De Leon ang report na pagmamay-ari ni Hapilon ang nasabing gun store.
Aniya, batay sa nakuha nilang impormasyon ay baka may ginagamit itong ibang tao at may posibilidad din na kanilang sympathizer ang may ari nito.
Sa ngayon ay wala pang katiyakan kung naroon pa sa Marawi ang tindahan ng mga baril o kaya ay ni-ransack na ang laman nito ng mga lokal na terorista.
Hinahanap na rin ng mga otoridad ang indibidwal na umano’y nagmamay-ari sa gun store.