Arestado na ng mga otoridad ang isa sa mga suspek sa madugong pamamaslang sa isang opisyal ng Land Transportation Office sa Quezon City.
Sa ngayon ay tumanggi munang magbigay ng dagdag pang mga impormasyon si Department of the Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr. ngunit kasalukuyan na aniyang hinihintay na maisailalim ang suspek sa kaukulang inquest proceedings.
Kaugnay nito ay mayroon na rin aniyang tinitignang anggulo o motibo ang kapulisan sa likod ng nangyaring krimen at mayroon na rin aniyang possible identification ang mga otoridad hinggil sa nasabing kaso.
Kung maaalala, una nang kinumpirma ng Land Transportation Office ang pagkakakilanlan ng biktima na si Mercedita Gutierrez na nagsisilbing pinuno ng Registration Section ng LTO Central Office.
Matatandaan din na batay sa ulat ng Quezon City Police District isang hindi pa nakikilalang Gunman na sakay ng motorsiklo ang pinagbabaril ang sasakyan ni Gutierrez sa bahagi ng K-H Street sa may Kamias Road, Brgy. Pinayahan, Quezon City.
Agad na dinala ang biktima sa pagamutan ngunit kalauna’y hindi na nakaligtas pa nang dahil sa tindi ng kaniyang mga tinamong pinsala.
Ang insidente na ito ay mariing kinondena ni LTO chief Assistant Sec. Atty. Vigor Mendoza II kasabay ng pagtiyak na mahigpit silang makikipag-ugnayan sa Philippine National Police para sa pagkamit ng hustisya para sa mga naulilang pamilya at mga mahal sa buhay ng biktima.