CEBU CITY – Labis na pinagsisisihan at humihingi pa ng kapatawaran sa pamilya Silawan ang suspek na brutal na pumatay at nagbalat pa sa mukha sa 16-anyos na si Christine Lee Silawan.
Personal na iniharap sa media ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde ang suspek na si Renato Payuman Llenes alyas Renren, 42, residente ng Brgy. Bangkal, lungsod ng Lapu-Lapu matapos itong mahuli noong Abril 9, 2019 ng madaling araw dahil sa kasong illegal possession of firearms.
Ayon kay Albayalde, may kasamang abogado si Llenes nang magbigay ng extra-judicial confession tungkol sa pag-amin sa ginawa nitong pagpatay kay Silawan noong Marso 10 ng gabi.
Umamin na rin daw si Llenes sa pagpatay bunsod sa hinahabol na siya ng kanyang konsensiya.
Idinetalye umano ng suspek kung paano sila nagkakilala ng biktima hanggang sa napatay niya ito.
Noong Marso 10 ay ang unang pagkikita ng biktima at ng suspek matapos ang ilang araw na pagpapalitan ng mensahe sa social media.
Gumamit umano ng tatlong dummy accounts sa Facebook si Llenes upang makapanloko ng mga babae kabilang na ang pagpanggap bilang si “CJ Diaz.”
Nang magkita na sila ay ikinagalit daw ni Llenes nang malamang hindi na birhen si Silawan.
Nagselos din ito sa dating kasintahan ng biktima na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.
Inamin din umano ni Llenes na nakadroga at bangag siya noong gabing nagkita sila ng biktima.
Sinasabing dahil sa galit ay sinaksak nito ng kanyang dalang gunting si Silawan.
Hindi rin umano natuloy ang balak nitong paggahasa sa biktima dahil nanlaban ang babae.
Inihayag naman ni Gen. Albayalde na natutunan umano ng suspek ang pagbalat sa mukha ng biktima dahil sa kumalat na “Momo challenge” at sa mga video na napapanood nito sa YouTube.
Ang gunting na dala-dala nito ang siya ring ginamit ng suspek sa pagbalat sa mukha ni Silawan upang hindi ito makilala.
Tinangay rin umano nito ang balat na nakuha nito sa biktima pati na rin ang bag ng dalawa.
Sa isyu naman ukol sa nawawalang ilang internal organs ng biktima, sinabi ni Llenes na hindi naman daw niya tinanggal at maaaring may asong gala na nagawi sa lugar na kanyang pinagtapunan sa bangkay.
Kung maalala liban sa maraming na-schock sa nangyari sa estudyante, maging ang Pangulong Rodrigo Duterte ay ikinagalit din ang krimen at mahigpit na inatasan ang mga otoridad sa agarang pagresolba sa kaso.