-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Patuloy pang inoobserbahan ang ilang biktimang sangkot sa nangyaring karambola ng tatlong sasakyan sa National Highway sa may Purok 3 Barangay Kimantong, Daraga, Albay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Daraga PNP, binabagtas ng pampasaherong jeep na minamaneho ng 70-anyos na si Antonio Armenta ang kalsada papuntang Daraga Poblacion nang mawalan ito ng preno.

Dahil dito, aksidenteng nabangga ng jeep ang huling bahagi ng tricycle ni Sammy Plazo, 33, na sakay ang tatlong pasahero.

Maliban sa tricycle, nasagi pa ni Armenta ang motorsiklo ni Juan Roberto Bolo, 34, na sakay ang backride na si Lilian Llarena, 30, na papunta rin sa Poblacion.

Matapos ang pagkakabangga sa dalawang sasakyan, tumama naman ang jeep sa isang sementadong pader sa tabi ng kalsada kung kaya halos mayupi ang harap ng sasakyan.

Ayon kay Kapitan Ramon Paran ng nasabing barangay, sakay ng jeep ang 14 na pasahero na kinabibilangan ng mga guro at mag-aaral mula sa Anislag.

Nagtamo naman ng mga sugat ang driver at mga pasahero nito na agad itinakbo sa ospital.

Sinabi pa ng kapitan, ito na ang pangalawang beses na naitala ang parehong insidente ngayong taon kung kaya hiniling nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na malagyan ng warning signs ang pakurbadang kalsada.