Nagkaisa ngayon ang mga guro at mga magulang sa kanilang panawagan na magkaroon na ng agaran at smooth na turnover ng mga public at private schools Makati City patungo sa Lungsod ng Taguig.
Ito ay sa ikabubuti na rin ng mga estudyante at bilang pagsunod sa inilabas na kautusan ng Korte Suprema.
Sa isang pahayag, sinabi ng Teachers Dignity Coalition, grupo ng mga guro mula sa mga pampubliko at pribadong mga paaralan sa bansa na kanilang kinikilala ang pinal na desisyon ng Supreme Court.
Ayon kay Teachers Dignity Coalition president Benjo Basas, sila ay nananawagan para sa smooth na transition para matapos na ang matagal nang dispute sa pagitan ng Makati at Taguig .
Ang mahalaga aniya rito ay ang kapakanan ng bawat mga mag-aaral.
Umaasa rin si Fort Bonifacio High School Faculty Club President Noel Meneses na maibabalik agad sa normal ang lahat ng school operation.
Batay sa datos, aabot sa 1,500 ang kabuuang bilang ng mga guro mula sa 14 EMBO public schools na ililipat sa Taguig habang nasa 30,000 naman ang kabuuang bilang ng mga estudyante.
Pabor naman at pumapayag ang mga magulang na maiilipat ang kanilang mga anak sa pangangasiwa ng Taguig ayon kay Parents Teacher Association Federation President Willy Rodriguez.
Mas mainam rin aniya na gawin muna ang maayos na turnover upang maiwasan ang kalituhan at anumang tensyon.
Samantala una nang sinabi ng mga school principals ng 14 EMBO schools na wala silang inaasahang problema sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.
Sa kabila ng tensyon sa pagitan ng Makati at Taguig ay nanatiling mahinahon ang mga magulang , guro at mga estudyante sa isyu bilang paggalang sa kautusan ng Kataas taasang hukuman.