ILOILO CITY – Nag-resign na ang isang high school teacher na inireklamo dahil sa pagpapalabas ng malaswang pelikula sa kanyang mga estudyante.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Roel Bermejo, Department of Education Iloilo schools division superintendent, sinabi nito na dahil sa pag-resign ng guro, wala nang otoridad pa ang Department of Education (DepEd) sa pagsasagawa ng imbestigasyon laban sa high school teacher sa kontrobersyal na pornographic film showing sa dalawang sections ng Grade 10 students sa Pili National High School, Ajuy, Iloilo.
Ayon kay Dr. Bermejo, “peace of mind” ang tinuturong dahilan ng high school teacher kung bakit nag-resign ito epektibo kahapon at walang nakitang basehan ang DepEd upang pigilan ang nasabing guro sa kanyang desisyon.
Sa ngayon, sinabi ni Bermejo na nakatuon sila sa sitwasyon ng mga estudyante kung saan nagsasagawa ng assessment ang mga opisyal ng tanggapan upang matukoy ang mga posibleng epekto ng kontrobersyal na film showing sa mga estudyante.