-- Advertisements --

Cauayan City- Sasampahan na ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang isang guro na sangkot sa naganap na hit and run noong ikalabing lima ng Hunyo sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Brgy. Sinippil, Reina Mercedes.

Matatandaang dead on arrival sa pagamutan si Jefferson Lasam, 29 na taong gulang, may asawa at residente ng Cabaruan, Cauayan City, Isabela matapos magtamo ng malalang sugat sa ulo ng mahit and run ng isang SUV sa naturang lugar.

Lumabas sa paunang pagsisiyasat ng Reina Mercedez Police Station,binabagtas ng biktimang lulan ng motorsiklo ang nasabing lansangan patungong timog nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay inovertakan umano ng biktima ang sinusundan nitong sasakyan.

Habang nagoovertake ang motorsiklo ay nabangga umano ito ng kasalubong na puting SUV na agad tumakas matapos ang pangyayari.

Matapos ang isinagawang follow up investigation ng Reina Mercedes Police Station sa pangyayari ay natuklasang isang guro mula sa bayan ng Burgos ang tsuper ng SUV na naplakahan at nakuhanan ng larawan ng mga motoristang nakakita sa insidente.

Bagamat itinanggi ng guro na may nabangga siyang motorsiklo ay aminado naman siyang napadaan sa naturang lugar noong gabi ng ikalabinlima ng Hunyo.

Nakunan na umano ng Reina Mercedez Police Station ng salaysay ang mga nakakita sa pangyayari at nakatakdang isampa ang kaso ng pinaghihinalaan.