-- Advertisements --

MINGLANILLA CEBU – Binawian ng buhay ang isang guro matapos ang nangyaring aksidenteng kinasasangkutan ng dalawang motorsiklo dakong alas 5 kahapon, Oktubre 4, sa Barangay Tunghaan bayan ng Minglanilla Cebu.

Kinilala ang biktima na si Charisma Servedo, nagtuturo sa Minglanilla Central School habang sugatan ang asawa nitong si Sherwin, 45 anyos.

Naisugod pa sa pagamutan si Servedo ngunit dahil sa natamong lubhang sugat sa katawan ay kalaunan binawian ito ng buhay.

Ayon pa sa ulat ng Minglanilla PNP, binabaybay ng mag-asawa ang daan nang biglang binangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo ng isa pang motorsiklo.

Agad namang tumakas ang driver ng motor matapos ang insidente.

Sa ngayon patuloy pang pinaghahanap ng pulisya ang driver ng motorsiklong Rusi 125 na may temporary plate number na 0201-749-723.

Nahuli na ng pulisya ang driver ng motorsiklong nakabangga ng isa pang motorsiklo na ikinasawi ng isang guro at isa naman ang sugatan.

Nakilala ang suspek na si Luigie Go Lazarte, 25 anyos , isang construction worker tubong Barangay Lamacan sa bayan ng Sibonga.

Ayon sa pulisya, nahuli si Lazarte sa pamamahay ng live-in partner nito kaninang alas 12 ng tanghali sa bayan ng San Fernando Cebu.

Nakilala ang suspek matapos iniwan nito ang motorsiklong minamaneho matapos ang insidente at sumakay ng pampasaherong bus.

Sa tulong ng Land Transportation Office(LTO), natukoy na lolo ng suspek ang may-ari ng motor.

Napag-alaman na tinakasan ng suspek ang insidente dahil wala itong lisensya.