-- Advertisements --

DIPOLOG CITY – Patay ang isang public school teacher matapos barilin habang nasa loob ng kanyang classroom sa Balongating National High School, Barangay Balongating sa Guipos, Zamboanga del Sur.

Kinilala ang biktima na si Narcisa Gumibao Caay, 58-anyos na Grade 6 class adviser.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, napag-alaman na bigla itong pinasok ng dalawang hindi kilalang mga suspek na parehong nakasuot ng jacket at helmet at pinagbabaril ito.

Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan ang guro na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Inaalam pa ang tunay na motibo sa krimen habang patuloy din ang hot pursuit operation para sa possibleng pagkakaaresto ng mga responsable.