KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagsabog ng Granada sa Brgy. Ginatilan, Pikit, Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Police Lt. Col.Maridel Calinga, hepe ng Pikit PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang nasawi na si Marichu Valle Cabañog, 42 anyos, may-asawa, guro at residente ng Brgy Ginatilan, Pikit, Cotabato.
Ayon kay Calinga, lumabas sa kanilang mga imbestigasyon na habang nasa mahimbing na pagkakatulog ang guro sa loob ng kanilang bahay ng sumabog ang pinaniniwalaang granada malapit sa hinihigaan nito.
Napag-alamam na isang tanod ang humingi ng tulong ng marinig nila ang malakas na pagsabog sa pamamahay ng guro kaya’t rumesponde ang pulisya.
Mabilis naman na rumesponde sa blast site ang tropa ng 90th Infantry Battalion at Pikit MPS para magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon at si-necure ang seguridad ng mga residente.
Inaalam pa sa ngayon ng pulisya kung anong uri ng granada ang sumabog at saan nanggaling ang nasabing eksplosibo.
Samantala, may sinusundan na ring mga persons of interest ang pulisya sa nangyaring pagsabog.