LEGAZPI CITY – Nagpositibo sa isinagawang drug test ang isang public scool teacher at kapatid nito na naaresto sa buy bust operation sa Barangay Tuburan, Ligao City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Lt. Col. El Cid Roldan, hepe ng Ligao City-Philippine National Police, matagal na nilang mino-monitor ang gurong si Lazaro Presenta, 46-anyos, dahil isa ito sa mga itinuturing na high value target sa nasabing lungsod.
Subalit nang isagawa ang operasyon ay nahuli rin ang kapatid nitong si Lydio Presenta, 54-anyos.
Narekober sa mga suspek ang 14 sachet ng pininiwalaang shabu at buy bust money.
Dagdag pa ni Roldan na sa kasalukuyan ay patuloy ang imbestigasyon kung nagbebenta rin ng iligal na droga ang guro sa loob ng paaralan.
Napapabayaan na rin umano ni Presenta ang pagtuturo nito at hindi nakakapagsumite ng mga kinakailangang report sa paaralan.
Nabatid na maliban sa naarestong magkapatid ay may isa pa itong kapamilya na sinasabing sangkot rin sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Roldan, matagal nang inirereklamo sa barangay ang naturang pamilya dahil sa pagbebenta nito ng iligal na droga.