CAUAYAN CITY – Personal na nagtungo ang isang guro sa tahanan ng kanyang mga estudyante upang ipaabot ang kanilang natatanging parangal para sa Academic Year 2019-2020 sa Brgy. Anonang, Cordon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lailane Abundio, teacher at Grade 5 adviser sa Anonang Elementary School, sinabi niiya na dahil sa kanselasyon ng Recognition Day bunsod ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine ay naisipan niyang bigyan ng pagkilala ang kanyang mga natatanging estudyante.
Alinsunod sa mungkahi ng DepEd-Division Isabela na pamamahagi ng worksheet sa mga estudyante na kinapapalooban ng mga paksa na hindi natalakay sa kanilang klase upang maging mas produktibo ang bawat araw ng mga bata ay naisipan niyang isabay ang pagbibigay ng parangal at pagkilala sa mga natatanging mag-aaral.
Nagpasalamat naman ang guro sa kanilang school head at principal dahil sa suporta at pinahintulutan siyang ipatupad ang kanyang naisipang hakbang.
Sa kanyang pagtungo sa tahanan ng kanyang mga estudyante ay siniguro nitong mayroon siyang Personal Protective Equipment (PPE) at pagpapanatili ng social distancing.
Malaking bagay na aniya ang masilayan ang ngiti at tuwa ng kanyang mga estudyante habang ipinagkakaloob ang mga parangal.
Pinagkalooban din nito ng parangal ang mga magulang na lubos ang naging suporta at tulong sa kanilang klase.
Nasa 29 na estudyante ang kanyang hawak ngayong taon kung saan 10 ang nagawaran ng Academic Award; 13 ang Conduct Awardees; at anim na natatanging magulang ang kanyang ginawaran ng pagkilala kasabay ng pamamahagi na rin ng ilang meryenda.
Sa pamamagitan nito, nais ng guro na makapagbigay ng kasiyahan lalo na sa kanyang mga estudyante na limitado na lamang ang pagkakataong makalabas upang makapaglaro.