-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinabiliban sa social media ang isang guro sa lalawigan ng Sorsogon na nagbabahay-bahay para mamigay ng regalo sa mga estudyante ngayong kapaskohan.

Trending sa internet ang mga larawan ni Teacher Michelle Rubio na nakasuot ng Santa costume habang namimigay ng mga pagkain at laruan sa mga kabataan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rubio na isa ring Dangal ng Bayan Awardee, taon-taon siyang namamahagi ng mga regalo sa mga mag-aaral tuwing panahon ng kapaskuhan para mabigyan rin ng kasiyahan ang mga ito ngayong may espesyal na okasyon.

Subalit dahil sa pandemya, mas pinili ng guro na puntahan mismo ang mga bahay ng estudyante para ibigay ang pamasko.

Sa susunod na linggo ay may iba pang mga mag-aaral ang nakatalaan din na bigyan ni Teacher Michelle.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang guro sa mga sponsor na walang sawang nagbibigay ng donasyon at suporta sa kanyang hangaring makapagbigay saya.