-- Advertisements --
deped

Nilagay on leave o hindi muna papapasukin ang guro na inakusahang nanampal ng Grade 5 student na ikinasawi nito habang sumasailalim sa imbestigasyon.

Ayon kay DepEd spokesperson Asec. Francis Bringas, hindi muna papapasukin ang naturang guro dahil ito ay isang kaso ng child abuse o grave misconduct.

Ayon naman sa Antipolo City Schools Division Office, magtatalaga ng pansamantalang substitute para mag-take over sa klase ng sangkot na guro mula sa Peñafrancia Elementary School habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sinabi naman ni Asec. Bringas na pinagbabawalan ang mga guro na magpataw ng corporal punishment sa kanilang mga estudyante.

Maaari ding maharap sa dismissal ang guro sakaling mapatunayang nakagawa ito ng grave misconduct.

Hindi din aniya mapapatawan ng preventive suspension ang guro hangga’t walang pang naisasampang pormal na kaso. Saka lamang ito maihahain kapag mayroong prima facie evidence na mapatunayan sa isinasagawang fact-finding investigation ng DepEd.

Nakatakda namang maghain ng kasong homicide ang pulisya at paglabag ng Anti-Child Abuse LAw laban sa guro.