CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng patong-patong na kaso ang gurong inakusahan ng panghahalay sa isang 14-anyos na estudyante sa Naguillan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Capt. Maryjane Sibbaluca, deputy chief of police ng Naguillian Police Station na ang suspek na 45 anyos, may-asawa ay sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law.
Nahaharap din ang guro sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law at Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.
Batay sa salaysay ng dalagita, una siyang hinalay ng guro noong Agosto 24, 2018 at ikalawa noong February 2019 at kinunan pa ng video.
Hindi umano nagsumbong ang biktima dahil sa takot ngunit naikuwento niya sa kanyang pinsan ang ginawa sa kanya ng guro.
Dahil dito ang kanyang pinsan ang nagsumbong sa ina ng biktima.
Ayon kay Sibbaluca, pinatunayan ng barangay kapitan sa lugar ang video dahil nakita nila sa laptop ng guro sa ginanap na confrontation sa barangay noong Mayo 5, 2019.
Mayroon ding nakuhang impormasyon ang Naguillian Police na may naunang dalawang mag-aaral na minolestiya ang guro subalit naayos at walang record ang pulisya.