VIGAN CITY – Malaki ang paniniwala ng isang opisyal ng election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na hindi umano tunay na magka-away ang magkapatid na si re-elected Makati City Mayor Abby Binay at Junjun Binay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni PPCRV spokesman Arwin Serrano na mayroon lamang kaunting hindi pagkakaintindihan ang magkapatid na tiyak na madadaan pa sa maayos na pag-uusap.
Sinabi nito na kilala niya ang magkapatid na Binay at malaki ang respeto nila sa kanilang pamilya dahil alam naman umano nila na hindi maganda sa paningin ng publiko na sa loob ng kanilang pamilya ay mayroong hindi maresolbang hidwaan.
Maliban pa dito, naniniwala rin si Serrano na ang nagpalala lamang sa kaunting hindi pagkakaintindihan ng magkapatid ay ang kani-kanilang mga supporters na kahit tapos na ang halalan ay hindi pa rin tapos ang isyu sa tingin nila.
Ito ay reaksyon na rin ni Serrano sa sinabi ni Sen. Nancy Binay na nakaapekto ang away ng kaniyang mga kapatid sa kaniya, partikular na sa mababang ranking nito sa katatapos na eleksyon.
Kung maaalala, noong nakaraang buwan ay mas naging kontrobersyal ang magkapatid dahil nagkasagutan sila sa mismong candidates’ forum ng PPCRV sa San Ildefonso Parish.