ILOILO CITY – Todo depensa sina Iloilo City Mayor Jerry Treñas at Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. matapos sinita ng Department of the Interior and Local Goverment (DILG) sa paglabag sa Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine in the Philippines na inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Treñas, sinabi nito na naghihirap na ang mga Ilonggo kaya napilitan siyang buksan ang mga non-essential establishments sa lungsod kasabay ng pagdepensa na naaayon ito sa mga patnubay ng Department of Trade Industry.
Humingi rin umano ng pahintulot ang alkalde sa IATF hinggil dito.
Samantala, wala namang balak si Gov. Defensor na baguhin at ipasara ang mga non-essential establishments sa lalawigan kahit na sinita na siya ng DILG.
Ayon sa gobernador, nakipag-usap na siya sa DILG ngunit nanindigan ito hindi siya tatalima sa guidelines ng IATF sa halip hihigpitan lamang nito ang pagpapatupad ng protocol.