CAUAYAN CITY- Inaresto ang isang security guard matapos na masamsaman ng hindi lisensyadong baril sa Purok 2, Carpintero, Tumauini, Isabela.
Ang suspect ay si Ace Mamauag, 36 anyos, may asawa, security guard at residente ng Brgy. Ugad, Tumauini, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Rolando Gatan, hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa ginagawa ng suspect na umanoy panunutok ng Cal. 9mm pistol sa mga taong dumadaan sa naturang lugar.
Agad namang tumugon ang mga pulis at napansin na lango sa alak si Mamauag.
Aminado naman ang suspect na mayroon siyang bitbit na baril subalit itinanggi nito ang paratang na tinututukan niya ang mga residente na dumadaan sa lugar sa halip ay nililinisan lamang umano nito ang dala niyang baril.
Ayon sa hepe ng pulisya, pagmamay-ari umano ng pinagtatrabahuang establisyemento ng suspect ang baril subalit wala namang maipakitang dokumento ng nasabing baril.