-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Mahaharap sa kaukulang kaso ang security guard ng isang money remittance center sa Barangay Ubaliw, Polangui, Albay, matapos na aksidenteng mabaril ang kliyente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Major Ed Azotea, hepe ng Polangui Municipal Police, nasa ligtas nang kalagayan ang biktimang si Carlito Vergara, 49-anyos ng Guinobatan, Albay, na nagtamo ng tama sa tiyan mula sa baril ng suspek na si Lito Buenaflor, 29-anyos.

Batay sa paunang imbestigasyon, kinuha na ni Buenaflor ang caliber 9mm na baril sa karilyebo subalit hindi umano namalayan na nakalabit ang gatilyo na tumama naman sa biktima.

Kaagad namang itinakbo sa pagamutan si Vergara sa Rural Health Unit-Polangui para sa immediate treatment bago ilipat sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital.

Ayon kay Azotea, sumunod naman ang sekyu sa Omnibus Election Code dahil kompleto ang dokumento ng baril.

Gayunman, maliban sa isasampang kaso laban sa suspek ay magkakaroon din ng sariling imbestigasyon ang kinabibilangang security agency nito.

Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa.