(Update) BACOLOD CITY — Nahuli na ang security guard na bumaril-patay sa terminated employee ng 7G Tyko International Corporation sa Ceres Village, Purok Kasilingan 2, Barangay Mansilingan, Bacolod City nitong Linggo ng gabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Conrado Espino Jr., station commander ng Bacolod Police Station 7, kinumpirma nito na naaresto si Antonio Enanoria, 25-anyos sa Purok Narra, Barangay Tabugon, Kabankalan City kahapon ng hapon.
Sa pag-usisa kay Enanoria, nagpumilit ang biktima na si Joebe Natividad Jr. na residente ng Barangay Granada, Bacolod City kaya’t nagkasagutan ang mga ito.
Inihayag umano ng suspek na dumilim ang kanyang paningin kaya’t kanyang binaril si Natividad nang tatlong beses gamit ang 12 gauge shot gun.
Ayon sa hepe, kasong murder ang isasampa laban sa security guard.
Walang criminal record ang suspek ngunit sinasabing si Enanoria rin ang pumatay sa kanyang kapatid noong taong 2019.