-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Patuloy na nararanasan ang malakas na pagbayo ng hangin at pagbuhos ng ulan sa Cordillera Region dahil sa habagat na pinapalakas ng Bagyong Fabian.

Kahapon ay dead on arrival sa pagamutan ang call center agent na nagngangalang Esmeralda Suriaga, 39-anyos, matapos tamaan ng natumbang puno ang sinasakyang taxi nito sa Baguio City.

Batay sa report, bumibiyahe ang taxi sa bahagi ng BGH Rotunda patungo ng City Proper nang biglang matumba ang isang puno na tumama sa kanang bahagi ng taxi.

Kaagad dinala sa pagamutan ang mga pasahero ng taxi ngunit idineklarang dead on arrival si Suriaga.

Sugatan ang dalawa nitong kasama na sina Samuel Suriaga, 29, at Wilfredo Suriaga, 63-anyos, habang hindi naman nasugatan ang taxi driver.

Samantala, lumikas ang isang pamilya sa La Trinidad, Benguet; at limang pamilya na binubuo ng 17 indibidwal mula sa tatlong barangay ng Baguio City dahil sa banta ng pagguho ng lupa malapit sa kanilang mga tahanan.

Naitala rin ang 10 insidente ng pagguho ng lupa sa Baguio at dalawang pagbaha, partikular sa Happy Homes at Old Lucban.

Sa kabilang dako, nadadagdagan pa ang naitalang 14 na landslide sa mga major roads sa Cordillera partikular sa Kennon Road, Benguet-Nueva Vizcaya Road, Baguio-Bontoc Road, Balbalan-Pinukpuk Road, Abra-Kalinga Road, City Limit-Santo Tomas Road at Congressman Andres Acop-Cosalan Road.

Patuloy ding isinasagawa ang clearing operations sa mga ito sa kabila ng masamang lagay ng panahon.