-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Binawian ng buhay ang isang Habal-habal drayber sa inilunsad na anti-drug operation ng mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Mark Provido Dumile alyas Makmak,35 anyos,may asawa at residente ng Brgy Lower Katingawan Midsayap North Cotabato.

Ayon kay Midsayap Chief of Police, Lieutenant Colonel John Miridel Calinga na nagsagawa ng drug buybust operation ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) RID-12 at Cotabato PNP.

Natunugan umano ng suspek na mga otoridad ang kanyang ka-transaksyon kaya bumunot ito ng baril at nagpaputok.

Napilitan ang mga pulis at PDEA na barilin si Dumile kaya nagtamo ito ng maraming sugat sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Naisugod pa sa pagamutan ang suspek ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Narekober sa posisyon ni Dumile ang isang .38 revolver, mga bala, shabu at mark money.

Inamin naman ng pamilya na dating gumagamit ng droga si Dumile ngunit matagal na umano itong nagbago.

Nagpaalala ang pulisya at PDEA sa mga taong sangkot sa pinagbabawal na droga na habang hindi pa huli ang lahat ay magbago na.