-- Advertisements --

ZAMBOANGA CITY – Huling habilin umano ni Jakatia Pawa ang binitay na overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait sa kanyang kapatid ay huwag pababayaan ang kanyang dalawang anak na naiwan sa Zamboanga City.

Ito ang inamin sa Bombo Radyo Zamboanga ni Lt. Col. Alcaris Pawa, ang kapatid ni Jakatia.

Ayon kay Alcaris, nitong Miyerkules ng umaga ilang oras bago ang itinakdang bitay, personal na tumawag sa kanya ang kapatid mula Kuwait at dito sinabi ang kanyang huling habilin na alagaan at huwag pababayaan ang kanyang dalawang anak.

Sa emosyunal nilang pag-uusap, una umanong humingi sa kanya ng tawad ang kanyang kapatid kaya nabigla rin siya sa mga naging pananalita nito.

Dito na niya natanong kung bakit at diretso na nitong sinasabi na nakahanda na siyang bitayin.

Sinabi umano nito na alas-8:00 ng umaga oras sa Kuwait ay nakatakda na siyang bitayin kasama ang ilan pang nasa death row.

“Kapatid ko pa mismo ang tumawag, humingi siya ng tawad sa akin. Ang sabi ko naman bakit at sabi niya kuya ako ay aalis na rin, huwag niyong pabayaan ang mga anak ko dahil ako ay ibibitay na mamaya alas-8:00 ng umaga sa Kuwait,” ang salaysay pa ni Jakatia o Tata.

Nabatid na matagal na rin umanong nasa pangangalaga nila ang naiwang dalawang anak ng kanyang kapatid dahil ulila na rin sila sa ama matapos pinatay sa pamamaril noong taong 2010.

Siniguro naman ni Lt. Col. Pawa na aalagaan nila at hindi pababayaan ang dalawang anak na naiwan ng kanyang kapatid.

Hindi na rin nila nasilayan ang labi ni Tata dahil batay sa kultura ng mga Muslim, agad na rin itong ililibing doon din sa Kuwait.

Inamin naman ni DFA spokesperson Charles Jose, na nitong nakalipas na Martes ay tinanggap nila ang impormasyon sa pagbitay kay Pawa.

Kasabay nito dumipensa rin ang DFA na noon pang 2007 ay isinusulong na ng pamahalaan ng Pilipinas na magbayad ng blood money.

Liban dito, kumuha rin daw ang embahada ng magagaling na law firm sa Kuwait upang idepensa si Pawa kaya nabigyan ito ng pagkakataon na iapela ang kaso.

Batay sa record ng kaso, si Pawa ay sinentensiyahang mahatulan ng kamatayan noong April 13, 2008 dahil sa paratang na pagpatay sa 22-anyos na anak na babae ng kanyang employer.

Nang mangyari ang krimen ay nakita raw ng Kuwaiti police ang nakahandusay na katawan ni Pawa sa harapan ng bahay ng kanyang employer noong May 4, 2007.

Ang hatol sa Pinay ay pinagtibay ng Kuwaiti Court of Cassation (Supreme Court) noong January 19, 2010.

Si Pawa na tubong Zamboanga del Norte ay may dalawang anak.

Nakapagtapos siya ng kolehiyo sa Bachelor of Science in Banking and Finance sa Zamboanga Alturo Eustaquio Colleges sa Zamboanga City.

Naging domestic helper siya sa pamilya ng biktima na Dala Al-Naqi.

Sinasabing kumuha noon ng legal counsel ang Philippine embassy upang depensahan si Pawa at naglaan pa ng pondo na aabot sa P1.2 million.

Pero ang highest court ay isinapinal ang desisyon noong January 19, 2010.

Sinabi naman ni Susan “Toots” Ople, ang pinuno ng Blas Ople Policy Center na tumutulong sa mga OFW, dapat sana noong una pa lamang nang arestuhin si Pawa ay inalalayan na siya ng abogado.

Pero hindi umano ito nangyari.

Ang pamilya ng biktima ay tumanggi namang maglabas ng tanazul (affidavit of forgiveness).

Lumutang naman ang isyu na ang ginamit na panaksak o kutsilyo sa pagpatay sa biktima ay hindi kinakitaan ng fingerpints at maging ang damit ni Pawa ay wala ring bahid ng dugo.

Sa ginanap na pagdinig, sinabi ng OFW na maaaring isa sa kaanak ng biktima ang pumatay dahil may relasyon ito sa kanilang kapitbahay.