Iniimbestigahan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang umano’y hacking sa website ng Philippine Army’s school.
Sa isang panayam sinabi ni DICT Acting Sec. Eliseo Rio Jr., sinimulan na ng kanilang cybersecurity bureau ang pagsisiyasat matapos mabatid na nitong Enero pa nangyari ang insidente.
Maging ang National Privacy Commission ay nakisali na rin daw sa imbestigasyon ng kaso.
Batay sa ulat, nangyari ang sinasabing data breach ng old files ng eskwelahan habang isinasalin ang mga ito sa bago nilang website.
Bagamat lumang mga datos daw ito, ani Rio, kailangan pa ring masuri ang insidente lalo na’t dawit dito ang personal na impormasyon.
Nilinaw naman ni Army spokesperson Lt. Col. Ramon Zagala na hindi maituturing na hacking ang nangyari sa kanilang website.
Kabilang sa mga datos na pinaniniwalaang nakalkal ng hackers ay ang listahan ng kanilang Scout Ranger Force mula 1950 hanggang 2014.
Kumbinsido ang dalawang tanggapan na ang hacking group na Pinoy LulzSec ang nasa likod ng insidente.
Sa isang online post daw kasi nito, tila nagpahiwatig ang grupo na napasok nila ang database ng militar.
Pero ani Zagala, malabong masilip ng mga akusado ang mismong Philippine Army network dahil protektado gayundin na walang na-kompromiso sa kasalukuyang nilang koneksyon.