Limang Infantry Division ng Philippine Army na ang nag-deploy ng kani-kanilang Humanitarian assistance and disaster response (HADR) team sa iba’t-ibang mga lugar sa bansa upang tumulong sa malawakang paglikas sa mga residente, kasabay ng mga pagbahang dulot ng bagyong Kristine.
Kinabibilangan ito ng 5th Infantry Division at 7th Infantry Division sa Northern Luzon, 2nd Infantry Division sa Calabarzon, at 9th Infantry Division sa Bicol Region.
Sa Visayas, nakadeploy din ang rescue teams ng 8th Infantry Division.
Nagdeploy na rin ang 525th Combat Engineer Battalion ng Urban Search and Rescue (USAR) team na binubuo ng 18 personnel sa headquarters ng AFP Southern Luzon Command (SOLCOM) sa Camp Nakar, Lucena City, Quezon upang tumulong sa mga search and rescue operations.
Ilan sa mga malalaking rescue operations na sinuong ng mga army rescuer ay ang pagpapalikas sa mahigit 600 flood victims sa San Jorge at Gandara, Samar kung saan maraming kabahayan ang inabot ng tubig-baha.
Maliban sa mga rescue personnel, ilang health at medical personnel ng PA rin ang naka-deploy para mag-monitor sa kalusugan ng mga kinakailangang ilikas.