BAGUIO CITY – Nananatiling naka-“red alert” ang Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC)-Emergency Operations Center para sa patuloy na pagmonitor at pagresponde sa coronavirus pandemic, gayundin sa mga banta at epekto ng Bagyong Pepito.
Sa statement ng Cordillera Regional DRRMC, naka-heightened alert na rin ang mga member-agencies, response clusters at local DRRM councils, kung saan nakatutok ang mga ito sa kani-kanilang areas of responsibilities partikular sa mga flood-prone at landslide-prone areas sa rehiyon.
Kasunod pa rin ito ng pagsasailalim sa Benguet at iba pang lalawigan ng North Luzon, gayundin ng mga lalawigan ng Kalinga, Abra, Ifugao at Moutain Province sa Cordillera sa signal No. 2; kasama pa ang Ilocos Norte at southern portion ng Isabela sa signal No. 1, dahil sa Bagyong Pepito.
Nagsagawa na rin ang mga local DRRM offices, mga pulis at barangay officials ng pagpapaalala, para sa pre-emptive evacuation ng mga nasa high risk areas sa kanilang nasasakupan dahil sa banta ng bagyo.
Kahapon ay nagsagawa ng spilling operation sa Binga Dam sa Itogon, Benguet, kung saan binuksan ang isang spillway nito dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig dulot ng pag-ulan dahil sa Bagyong Pepito.
Sa advisory ng Binga Dam Flood Forecasting and Warning Service Office, naitala kahapon ang lebel ng tubig sa dam na umabot sa 574.32 meters, malapit sa 575 meters na normal high water level.
Sa ngayon, nararanasan sa Baguio City ang malakas na ihip ng hangin na sinasabayan ng mahina hanggang katamtaman na pag-ulan.