KORONADAL CITY – Hindi pa man nakakaraos ang mga apektadong residente sa bayan ng Makilala sa North Cotabato, panibagong kalamidad naman ang tumama sa kanila.
Sa impormasyong ipinaabot sa Bombo Radyo Koronadal, inulan ng hailstorm o yelo ang ilang barangay sa naturang bayan kung saan labis na napinsala rito ang Brgy. Saguing.
Tumagal umano ang naturang phenomenon ng halos 30 minuto.
Maliban dito, nabuwal din ang ilang mga punongkahoy dahil sa malakas na hangin kung saan ilang mga tents ng mga residente sa mga evacuation camps ang pininsala habang iba naman ang tinangay ng hangin.
Nagpaliwanag naman ang Pagasa na normal lamang ang pag-ulan ng yelo lalo na kung may mga thunderstorm.
Ngunit ang prayoridad ng Makilala LGU ay ang pagtugon sa mga pangangailangan naman ng dagdag na relief items at panawagan sa mga donors ng dagdag na mga gamit para sa mga naapektuhan ng naturang mga sakuna.