BAGUIO CITY – Nakaranas ng hailstorm o pag-ulan ng yelo ang ilang bayan sa Abra.
Ayon sa Civil Defense Cordillera, naiulat ang pag-ulan ng yelo sa mga bayan ng Villavisciosa at Pilar na tumagal ng 5-10 minuto kasabay ng pag-ulan doon, dakong alas-nuebe ng umaga kahapon.
Ayon naman sa PAGASA, normal na nangyayari ang pag-ulan ng yelo sa bansa kapag malakas ang thunderstorm bagaman karaniwang nararanasan sa mga buwan ng Mayo hanggang Hulyo.
Paliwanag pa ng PAGASA, kumakapal ang ice crystals habang tumataas-baba ang hangin sa ulap, kung saan, ang mga ito ang bumabagsak sa lupa kahit hindi pa tuloyang natutunaw.
Ayon pa sa Civil Defense, maulan ngayon sa Cordillera dahil sa maulap papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog na sanhi ng Frontal System na mararanasan sa buong rehiyon.
Ayon sa PAGASA, ang Frontal System ay ang lugar sa kalangitan kung saan nagsasalubong ang malamig na hangin (cold air) ang mainit na hangin (warm air) na siyang dahilan upang makaranas ng pag-ulan sa ‘boundary’ na ito ng kalangitan.