DAGUPAN CITY – Nakatakda pa umanong pag-aralan ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) kung ano ang kanilang sunod na hakbang matapos ang pagkakadawit sa inilabas na “Oust Duterte” matrix.
Ito ang inihayag ni NUPL-National Capital Region Secretary General Atty. Maria Kristina Conti sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, kailangan nilang intindihin muna kung ano ang nais iparating sa kanila ng administrasyon lalo na’t mismong pangulo at ang tagapagsalita nito ang nagdidiin sa NUPL.
Sinabi nito na sa ngayon ay hindi pa sila kakasuhan ng Malakanyang dahil naniniwala silang inimbentong kasinungalingan lamang ito.
Maaari aniya itong maging basehan ng cyber libel dahil sa paninira hindi lamang sa isang institusyon, kundi sa halos 20 personalidad na maayos na ginagawa ang kanilang tungkulin.
Ayon kay Conti, hindi na sila magugulat kung may mamatay man na miyembro nila o siraan sa social media at sa publiko.
Nabatid na banner story nitong Lunes ng Manila Times ang umano’y istorya ukol sa malakihang planong patalsikin sa puwesto si Duterte, na isinulat ni Manila Times Chairman Emeritus Dante Ang.
Kasama rin sa mga idinawit si Ellen Tordesillas ng Vera Files, media organizations na Rappler at Philippine Center for Investigative Journalism.
Iniuugnay din ng matrix ang mga nabanggit kay “Bikoy,” ang personalidad na nasa likod ng mga viral video na nag-akusa sa ilang miyembro ng pamilya Duterte na nakikinabang daw sa mga sindikato ng droga.