Welcome para sa Department of he Interior and Local Government (DILG) ang naging pasya ng Korte Suprema na i-decongest ang siksikang mga piitan sa bansa sa gitna na rin ng COVID-19 pandemic.
Una rito, inanunsyo ng Supreme Court na kanila nang pinalaya ang nasa 10,000 preso upang mapaluwag ang mga bilangguang napakaraming nagsisiksikang mga preso.
Sa isang pahayag, sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año na maituturing na “makataong hakbang” ang ginawa ng high court para sa mga Persons Deprived of Liberties (PDLs), at pati na rin mapagaan ang trabaho ng mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ipinapatupad ang mas mahigpit na mga protocol sang-ayon sa direktiba ng Department of Health (DOH).
“Malaking tulong ito sa ating mga mahihirap at matatandang nakapiit sa ating mga pasilidad na mabigyan sila ng pagkakataong makapiling muli ang kanilang mga mahal sa buhay. Malaking ginhawa din ito sa ating mga tauhan sa BJMP dahil mababawasan ang kanilang mga alalahanin sa gitna ng banta ng COVID-19,” wika ni Año.
Nagpasalamat din ang kalihim kay Chief Justice Diosdado Peralta para sa paglalabas ng Administrative Circular 39-2020, kung saan nakasaad na babawasan ang piyansa ng mga kinasuhan ng krimeng may parusa na reclusion temporal o 12 hanggang 20 taong pagkakakulong, habang ang mga nasampahan ng kasong kriminal na may parusang anim na buwan pababa ay maaaring mapalaya base sa recognizance.
Binanggit din ng opisyal ang datos na apat mula sa 468 BJMP facilities sa buong bansa ang nakapagtala ng mga kaso ng COVID-19.
Samantala, inihayag ni DILG Usec. Jonathan Malaya na batay sa records ng BJMP, nasa 3,000 PDLs sa buong bansa ang kwalipikado sa ilalim ng panibagong guidelines ng SC.
Maaari na ring mapalaya ang mga ito sa oras na matanggap na ng kinaroroonan nilang mga BJMP facilities ang kautusan mula sa korte.