Ikinalugod ni Senadora Risa Hontiveros ang naging hakbang ng Office of the Ombudsman para kasuhan sa korte sina dating Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque at Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao matapos makitaan ng ‘probable cause’.
Kaugnay ito ng kasong graft sa umano’y illegal na paglilipat ng P41.46 bilyong pagbili ng COVID-19 supplies at mga kagamitan noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya.
Ayon kay Hontiveros, ang kanilang reklamong inihain ni dating senador Richard Gordon laban kina Duque, Lao at ilan pang opisyal ng DOH ay bunga ng kanilang imbestigasyon sa Senado.
Hindi nauuwi aniya sa wala ang mga pagsisiyasat nila sa Senado.
Giit pa ng senadora, ang hakbang din na ito ng ahensya ay babala sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno kung saan bilang na ang kanilang maliligayang araw.
Dahil dito, nagpasalamat si Hontiveros sa Ombudsman sa tapat na pagtupad nito sa kanilang mandato na humingi ng hustisya, lalo na sa mga kaso na kinasasangkutan ng maling paggamit ng public funds at anomalya sa pagbili.
Tagumpay din aniya ito para sa mga Pilipino na naghirap at nagkasya lamang sa limitadong ayuda noong kasagsagan ng pandemya, lalo’t higit sa mga healthcare workers na nagtiis sa delayed na special allowance at hazard pay.
Umaasa si Hontiveros na magtuluy-tuloy na ang pagkamit ng hustisya para sa taumbayan.