-- Advertisements --

Nakatakdang magpulong muli ang PBA Board of Governors sa unang linggo ng Mayo upang talakayin ang kanilang susunod na hakbang dahil pa rin sa nagpapatuloy na coronavirus pandemic.

Una rito ay sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pa rin papayagan sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) at maging sa general community quarantine (GCQ) ang mga “sports-related gatherings”.

Ang Metro Manila ay nananatiling nasa ECQ dahil sa dami ng mga nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, susubukan daw nila na huwag munang maglabas ng anumang pasya ukol sa kapalaran ng 45th season hanggang sa Agosto.

Sakali rin aniyang hindi pa rin bawiin ng gobyerno ang ipinatupad na mga restrictions sa Setyembre, papunta na raw sa kanselasyon ang magiging kapalaran ng buong season.

Paliwanag ni Marcial, kahit na alisin na ang ECQ ay hindi pa rin ibig sabihin nito na maaari nang magsagawa agad ng laro ang liga bunsod ng ilang mga konsiderasyon.

Hindi rin aniya sila sigurado kung papayagan na agad ng gobyerno ang maramihang pagtitipon bilang pag-iingat pa rin sa deadly virus.

Magugunitang noong Marso 11 nang kinansela ang PBA Philippine Cup bunsod ng banta ng coronavirus.