Natukoy na ng militar ang mga “gaps” na posibleng naging dahilan para magkaroon ng pagkakataon ang mga bandido na dumukot ng kanilang mga bibihagin.
Ayon kay Western Mindanao Command commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana identified na nila ang mga gaps na ito at tinalakay sa isinagawang Indonesia-Malaysia-Philippines Trilateral Security Conference na ginanap sa Zamboanga City noong nakaraang linggo.
Aniya, ito ngayon ang kanilang tinututukan para wala ng dahilan ang mga bandido na maghasik ng atrosidad gaya ng kidnapping.
Sinabi ni Sobejana mahalaga na magsanib pwersa ang tatlong bansa at magtulungan sa kanilang responsibilidad na panatilihin ang seguridad sa mga boundary at maiwasan ang pagdukot sa karagatan.
Una nang sinabi ng heneral na ang mga insidenteng pagdukot sa karagatan ay hindi nangyayari sa Philippine waters kundi sa labas.
Aniya, naging matagumpay ang kanilang pagpupulong at tiniyak ng tatlong bansa na gagawin ang lahat para matuldukan na ang kidnapping sa mga high seas.
Nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang hot pursuit operations ng JTF Sulu para ma-rescue ang limang Indonesians at isang Pilipinong doktor na hawak ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Siniguro naman ni Sobejana na on track pa rin sila sa kanilang target bago ang deadline na March 31 ay hindi na makapaghasik pa ng karahasan ang teroristang Abu Sayyaf.