-- Advertisements --

Pumalo sa humigit-kumulang P88.2 bilyong halaga ng buwis ang nawala sa gobyerno noong 2023 dahil sa mga pekeng Persons with Disabilities (PWD) ID. 

Ito ang isiniwalat ni Senador Sherwin Gatchalian sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means. 

Ayon sa senador, batay sa pagtataya ng kanyang tanggapan, nasa 8.5 milyon ang gumagamit ng pekeng PWD ID at 1.8 milyon lamang ang “legitimate” na PWDs.

Sinabi ni Gatchalian, sa discounts na ibinibigay ng mga establisyimento, ang halaga ay umabot na sa P166 bilyon.

Sinabi rin ni Restaurant Owners of the Philippines (Resto PH) president Eric Teng na may nakita silang pagtaas mula 5% hanggang 25% ng kanilang mga benta na apektado ng PWD discount sa nakalipas na dalawang taon.

Sinabi rin ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) na nararamdaman din ng kanilang sektor ang epekto ng paglaganap ng mga pekeng PWD ID.

Sa parehong pagdinig, nabunyag na may mga pekeng PWD ID na ibinebenta online.

Sinabi ni Valenzuela City Government Persons with Disability Affairs Office head Snooky Cortez na nakadiskubre sila ng mga pekeng ID matapos humingi sa kanila ng medicine booklet ang ilang residente ngunit hindi tumugma ang kanilang ID sa mga numero sa kanilang system.

Nagrekomenda ang National Council on Disability Affairs na ang lahat ng PWD ID ay dapat magkaroon ng parehong mga security feature.

Iminungkahi rin ni NCDA Executive Director Glenda Relova ang paglipat ng pamamahala ng registry para sa mga PWD mula sa Department of Health patungo sa kanilang ahensya upang matugunan ang isyu.