Umabot na sa humigit-kumulang P139 million ang halaga ng danyos na iniwan ng bagyong Enteng sa sektor ng imprastraktura, ayon sa Department of Public Works and Highways(DPWH).
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, nagdulot ng pinsala ang naturang bagyo sa mga kalsada, tulay, at mga flood control project, sa limang rehiyon sa Luzon at Visayas.
Binubuo ito ng P84.39 million sa mga kalsada, P12.420 million sa mga tulay, at P42.75 million sa mga flood control structure.
Naitala naman ng Cordillera Administrative Region (CAR) ang pinakamalaking danyos na umabot sa P49.43 million.
Sinundan ito ng Region 2 na may P9.85 million; sumunod ang Region 5 na nagtala ng P34.85 million, P25.78 million sa Region 6, at P23.65 million sa Region 8.
Ilan sa mga istraktura na unang naitalang nasira dahil sa pananalasa ng bagyo ay tuluyan na ring naibalik sa normal na operasyon habang ang iba ay maaari umanong abutin ng ilang buwan bago maibalik.