Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maaaring umabot sa P27 bilyon ang halaga ng ipinapatayong bagong gusali ng Senado sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Sa ginagawang pagrepaso ng Senate Committee on Accounts sa New Senate Building Project, sinabi ni DPWH Assistant Secretary Antonio Molano Jr., na aabutin ng P20 hanggang P27 bilyon kabilang ang gastos sa lupa at ang inflationary cost.
Sinabi ni Molano na nasa 20 hanggang 25% ang inflationary cost.
Sinabi naman ni Senador Alan Peter Cayetano, Chairman ng Senate Committee on Accounts na posibleng lumobo pa nga ang halaga sa P26 hanggang P29 bilyon dahil sa posibleng 25 hanggang 30 percent na inflationary cost ng materyales at mas mataas na sweldo ng mga manggagawa.
Balewala ang pinagtalunan nila ni Senadora Nancy Binay na halaga ng proyekto kung saan iginiit niyang P23.3 billion ang gagastusin habang ayon kay binay, P21.7 billion lamang.
Upang mabigyang linaw ang sitwasyon, ibingay ni Cayetano ang breakdown ng total budgetary cost ng proyekto at ang epekto ng paggamit ng “conservative 20 percent inflationary cost” na tinukoy ng DPWH.
Dahil sa mga variation order, ibinahagi ni Cayetano na kasalukuyang tumaas sa P8.6 bilyon ang estimated cost para sa phase 1 mula sa orihinal na estimated cost nito na P8.067 bilyon
Bukod pa rito, sinabi rin ng senador na ang budgetary cost estimate ng phase 2 ay maari pang tumaas sa P2.375 bilyon at ang P10.33 bilyong halaga ng phase 3, ay kasalukuyang sinusuri.
Bago matapos ang ginagawang pagrepaso, hiniling ni Cayetano sa ahensya na magsumite ng bagong cost estimate sa gagawin pang bahagi ng konstruksyon na ibabatay sa presyo ng mga materyales ngayong taon.
Nais din ng senador na bumuo ng bagong organizational chart upang mas maging mabilis ang decision making sa mga gagawin pa sa gusali.
At pinakahuling bilin ng senador ay kumpletuhin ang lahat ng dokumentong kinakailangan upang makita kung ano pa ang mga kailangang buuin.