-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umaabot sa P9.5-milyon na halaga ng mga paninda at puwesto ang natupok sa nangyaring sunog sa palengke sa Batad, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay SFO2 Jonar Diestro, hepe ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Batad, sinabi nito na ang apoy ay nagmula sa isang karinderya sa loob ng palengke.

Maliban sa buong palengke, nasunog rin ang mga katabing kiosko.

Ani Diestro, nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon kung sinadya o aksidente ang nangyaring sunog.

Napag-alaman na ito na ang ikalawang sunog na naitala sa Iloilo kung saan nitong Martes ng umaga, natupok rin ang residential area sa Bakhaw, Mandurriao, Iloilo City kung saan 12 bahay ang nasunog at isa ang patay.