Pumayag ang California utility na magbayad ng $1 billion o halos 51 billion pesos sa lokal na gobyerno matapos ang naganap na wildfire na naging dahilan ng matagal na pagkawala ng kuryente sa naturang siyudad.
Ayon sa 14 na abogadong representante ng local public entities, nagkaroon umano sila ng kasunduan kasama ang Pacific Gas & Electric na bayaran na lamang ang nawalang pera ng mga nagbabayad ng buwis.
Inanunsyo ito ng Texas-based Baron & Budd law firm bilang kinatawan ng 14 na local governments.
“This money will help local government and taxpayers rebuild their communities after several years of devastating wildfires. The cities and counties will be in a better position to help their citizens rebuild and move forward,” saad ng law firm sa inilabas nitong news release.
Kalahati ng settlement na ito ay may kaugnayan sa naganap na sunog sa Northern California noong 2018 na ikinamatay ng 85 katao at sumira ng higit-kumulang 13,000 kabahayan. Kasama na rito ang $270 million na kabayaran sa pagkasunog din ng bayan ng Paradise.
Una nang nag-file ng bankruptcy ang PG&E Corp dahil sa di-umano’y bilyon-bilyong inaasahang pagkalugi nito dahil sa mga kinakaharap ng kaso na isinampa ng mga biktima, kumpanya at insurance companies.