Pumalo na sa P3 billion ang halaga ng pinsala at nawala sa sektor ng agrikultura dahil sa nagdaang bagyong Karding.
Base sa latest data mula sa Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (DRRM) ng Department of Agriculture (DA), nagpapakita ng kabuuang value production loss na P3.12 billion mula sa dating P2.95 billion noong nakalipas na linggo.
Nasa kabuuang 170,762 ektarya ng mga sakahan ang nasira sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, at Western Visayas.
Bunsod dito, nasa 108,594 magsasaka at mangingisda ang apektado kung saan nasa 158.117 metric tons (MT) ang combined volume ng production loss sa mga pananim gaya ng palay, mais, cassava, abaca, high value crops, livestock, poultry, at fisheries.
Pinakamatinding napinsala ang mga palay na nasaP2.05 billion ang nawala matapos na masalanta ang nasa 163,162 hectares at 134,205 MT.
Sumunod dito ang value crops (P831.29 million), fisheries (P116.55 million), corn ( P65.40 million), livestock and poultry (P12.86 million), cassava (P1.47 million), abaca ( P118,350,000), at infrastructure ( P26.30 million).
Sa ngayon, nagsasagawa na rin ng assessment at validation ang DA sa mga pinsala at nawala dala ng Super Typhoon Karding sa agri-fisheries sector.
Para naman matulungan ang mga apektadong magsasaka at mangingisda may nakalaang P185.69 million halaga ng rice seeds, P23.16 million halaga ng corn seeds, at P13.55 million halaga ng assorted vegetable seeds.