Nagresulta na sa P360.48 million ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa pananalasa ng nagdaang bagyong Enteng at Habagat base sa latest report mula sa DA- Disaster Risk Reduction Management Operations Center.
Ayon kay Agriculture ASec. Arnel De Mesa, ang probinsiya na nakapagtala ng pinakamalaking danyos ay sa Camarines Sur na nasa P342 million.
Naiulat din ang agricultural damage sa Catanduanes, Albay, Negros Occidental, Northern Samar, at Bulacan.
Habang inaantay pa ang isusumiteng reports ng regional offices ng DA sa CAR, Ilocos region, Cagayan valley, Calabarzon at Mimaropa.
Samantala, pagdating sa agricultural goods na napinsala, nagtamo ng pinkamataas na volume loss ang produksiyon ng bigas na nasa 14,177 metrikong tonelada na nagkakahalaga ng P340.06 million.
Nananatili namang nasa P14.01 million ang production loss sa maisan, P4.33 million ang halaga ng danyos sa high value crops at P1.77 million naman ang production loss sa cassava o kamoteng kahoy.