Umabot na sa P1 bilyon ang tinatayang halaga ng pinsala sa Bataan oil spill sa Cavite.
Idineklara na ang Cavite na no-catch zone para sa mga isda at shellfish.
Hinihintay pa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang resulta ng sample testing mula sa lalawigan.
Ayon kay BFAR officer-in-charge Isidro Velayo Jr., mayroong isyu ng food safety. Kapag may amoy na aniya mayroon silang advisory na huwag munang kainin.
Samantala, ang BFAR ay namahagi na ng mga relief goods sa mga apektadong mangingisda.
Iniulat ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite na mayroong 25,000 mangingisda sa lalawigan.
Magugunitang, lumubog ang MT Terranova sa baybayin ng Limay, Bataan, noong Hulyo 25, na may dalang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil.
Sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla na umabot na sa ilang coastal barangay sa lalawigan ang isang oil slick mula sa lumubog na motor tanker.