Sumampa na sa P4 bilyon ang iniwang halaga ng pinsala ng nagdaang 2 bagyo sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Base sa datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Biyernes, bulto ng naitalang pinsala ay sa Bicol region na isa sa matinding hinagupit ng bagyong Kristine na pumalo sa mahigit P2.831 million.
Gayundin, malaki din ang pinsalang natamo ng pagsasaka sa iba pang mga rehiyon kabilang na sa MIMAROPA, Central Luzon, Ilocos region, Eastern Visayas, CALABARZON, Western Visayas, Cordillera at Soccsksargen.
Bunsod nito, apektado ngayon ang kabuuang 105,258 na magsasaka at mangingisda habang mahigit 90,000 ektarya ng mga pananim ang nasalanta ng bagyong Kristine at Leon.
Samantala, ayon sa NDRRMC, nananatili pa ring ‘missing’ ang 30 indibidwal gayundin ang bilang ng mga nasawi sa kalamidad ay pumalo na sa 150 katao.
Patuloy pa rin na nagrerekober ang marami sa ating kababayang sinalanta ng magkasunod na bagyo, kung saan nasa mahigit P7.9 million indibdiwal o katumbas ng mahigit 2.028 pamilya sa 17 rehiyon ang naapektuhan. Nasa 311,980 indibdiwal o 81,716 pamilya ay nananatili pa rin sa mga evacuation center.
Ilan sa mga ito ay nawalan din ng bahay na nasa kabuuang 155,121 kabahayan dahil sa malawakang baha at landslides dulot ng hagupit ng bagyong Kristine na nagbuhos ng ulan na katumbas ng 2 buwang pag-ulan.