Lumobo na sa kabuuang P1 billion ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastraktura at agrikultura mahigit 1 linggo ang nakakalipas mula ng manalasa sa bansa ang bagyong Aghon.
Base sa latest situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang danyos sa imprastruktura dahil sa bagyo ay pumalo na sa P942.5 million sa Calabarzon habang sa sektor ng agrikultura ay nasa P85.6 million sa Calabarzon at Mimaropa region.
Nasa 7,568 kabahayan naman ang nasira sa Calabarzon at Eastern Visayas kung saan halos 7,000 dito ang bahagyang napinsala at 752 naman ang tuluyang nawasak.
Sa kabuuan naman, nasa 41,405 pamilya o mahigit 150,000 indibidwal mula sa 887 barangay sa Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Central Visayas, Eastern Visayas at National Capital Region ang apektado ng bagyo.
Samantala, ang death toll mula sa bagyo ay nananatili sa 6 kung saa 5 dito ay mula sa Calabarzon habang 1 sa nasawi ay mula sa Northern Mindanao.