Umabot na sa mahigit P1.6 billion ang halaga ng pinsalang idinulot ng mga serye ng pagsabog ng bulkang Kanlaon sa sektor ng pagsasaka sa Canlaon City.
Ayon kay Canlaon City Mayor Jose Chubasco Cardenas, malaking bahagi ng mga sakahan sa naturang syudad ang apektado sa mga serye ng pagsabog, at pagbagsak ng abo at iba pang volcanic materials.
Maraming industriya ang apektado tulad ng sugarcane industry, na labis na nahihirapan dahil sa sunod-sunod na pagbuga ng bulkan ng mga bulto ng asupre, bago pa man ang huling pagsabog nito noong Abril-8.
Maliban sa mga tubuhan, ang Canlaon City ay may malawak ding sakahan na tinatamnan ng palay, mais, saging, at mga highland vegetable.
Sa kasalukuyan, nasa 2,600 residente ng Canlaon City ang pansamantalang nakatira sa walong nakabukas na evacuation camp sa naturang lungsod.
Humihiling na rin ang city government ng dagdag na tulong mula sa national government at bagong sistema o istratehiya upang matulungan sila sa kanilang sitwasyon kung saan mahigit limang buwan nang sinusuportahan ang mga inilikas na residente kasunod ng December 2024 eruption ng naturang bulkan.
Ang bulkang Kanlaon ay nasa pagitan ng Canlaon City, La Castellana, La Carlota, at Bago City.