Lalo pang lumobo ang halaga ng pinsalang iniwan ng tatlong magkakasunod na bagyo sa sektor ng pagsasaka.
Ang mga naturang bagyo ay ang Ferdie at Helen na ilang oras lamang nanatili sa teritoryo ng Pilipinas, at bagyong Gener na naglandfall sa Cagayan Valley.
Batay sa datus ng Department of Agriculture (DA), umabot na sa P98.34 million ang pinsalang naitala sa mga palayan habang P6.06 million naman sa mga maisan.
Sa mga high value crops, umabot sa halos tatlong milyong piso naman ang naitalang danyos.
Umabot naman sa kabuuang 1,327 magsasaka ang naapektuhan habang 4,749 metriko tonelada ng produksyon ang nasira mula sa kabuuang 1,646 ektarya.
Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang assessment ng mga field personnel ng DA ukol sa epekto ng naturang bagyo.
Ayon sa ahensiya, malaking bahagi ng bansa ang hindi pa nakakarekober mula sa naging epekto ng bagyong Carina na tumama noong huling lingo ng Hulyo ay nag-iwan ng P2.26 billion na halaga ng pinsala sa sektor ng pagsasaka.