Lalo pang lumubo ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyong Ferdie sa sektor ng pagsasaka kasabay ng nagpapatuloy na field validation ng Department of Agriculture (DA).
Batay sa datus na inilabas ng DA – DRRM Operations Center, umabot na sa P600.83 million ang halaga ng danyos sa iba’t-ibang industriya na kinabibilangan ng palay, mais, high value crops, at livestock.
Umabot na rin sa 11,170 magsasaka ang nakumpirmang naapektuhan sa pananalasa ng naturang bagyo.
Samantala, kabuuang 27,427 metriko tonelada ng mga pananim ang naitalang nasira mula sa 11,696 ektarya ng mga sakahang naapektuhan.
Pinakamalaking pinsala ay naitala sa rice industry na umabot sa P562.75 million habang ang corn industry ay nagtala ng pinsalang umaabot sa P19.04 million. Ang nalalabi ay pinaghati-hatian na ng livestock, high value crops, at fishery sector.
Noong Setyembre-16 ay nag-landfall ang bagyong Ferdie sa probinsya ng Isabela at tuloy-tuloy na nanalasa hanggang sa tumawid ito sa Cordillera at Ilocos Region, palabas ng Pilipinas.